
QUEZON CITY, June 10, 2025 – Matagumpay na naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng pamumuno ni PCOL RANDY GLENN SILVIO, DDDA/OIC at Caloocan Police Sub-Station 5 ang apat (4) na suspek sa panghoholdap sa isang junkshop sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City, sa isinagawang hot pursuit na operasyon sa Bagong Barrio, Caloocan City noong Hunyo 7, 2025.
Kinilala ni PMAJ ALLAN RAINIER CABRAL, Hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang mga naarestong suspek na sina alyas “Mark Anthony”, 32 taong gulang, residente ng Rodriguez, Rizal; “Mark Acevin”, 24 taong gulang; “Mark Eugene”, 25 taong gulang; at “Renquel”, 24 taong gulang, pawang mga residente ng Caloocan City.
Batay sa imbestigasyon, bandang 12:40 ng madaling araw noong Hunyo 6, 2025, sapilitang pinasok ng mga armadong suspek ang isang Junkshop sa No. 95 Congressional Avenue, Brgy. Bahay Toro, kung saan tinutukan ng baril at pinagnakawan ng tinatayang Php30,000 cash at apat (4) na cellphone ang tatlong biktima, kabilang ang may-ari ng junkshop. Matapos ang insidente, agad tumakas ang mga suspek gamit ang isang motorsiklo.
Dahil sa insidente, agad na bumuo ng Special Investigation Team (SIT) at nagsagawa ng first case conference bandang alas-4 ng hapon noong Hunyo 6, 2025 para sa agarang aksyon. Kaagad na inatasan ni PCOL Roman C Arugay, District Deputy Director for Operations at SIT Commander, ang mga operatiba ng CIDU, District Investigation Division (DID), at Project 6 Police Station 15 na magsagawa ng masusing imbestigasyon, makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya, at mangalap ng CCTV footage upang matukoy ang mga suspek. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga nakalap na CCTV footage, natunton ang kinaroroonan ng mga suspek sa Bagong Barrio, Caloocan City.
Kaagad na nakipag-ugnayan ang QCPD sa Caloocan Police Sub-Station 5, na nagresulta sa matagumpay na pagkaaresto sa mga suspek bandang 1:40 ng hapon noong Hunyo 7, 2025.
Nakumpiska mula kay “Mark Anthony” ang isang cal. .38 revolver na may tatlong (3) bala; isang replika ng baril mula kay “Mark Eugene”; at isang improvised na sumpak mula kay “Mark Acevin”, at ang ginamit nilang getaway motorsiklo. Nang hingan sila ng kaukulang dokumento para sa legal na pagmamay-ari ng kanilang mga dala-dalang baril, wala ni isa ang nakapagpresinta ng documento o lisensya.
Nagsagawa din ng background check sa mga suspek at lumalabas sa Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) na si Mark Anthony ay sangkot sa mga insidente ng robbery sa Quezon City at San Mateo, Rizal, habang si Mark Acevin ay may kaugnayan sa mga insidente ng ilegal na droga sa Caloocan City at may dati nang kaso ng Resistance and Disobedience to Agent of Person in Authority or the Agents of Such Person.
Dagdag pa rito, si Mark Anthony ay may nakabinbing warrant of arrest sa kasong Robbery na inilabas ng Branch 230, Quezon City. May isa rin siyang kaso ng Carnapping na walang inirerekomendang piyansa mula sa Branch 76, San Mateo, Rizal.
Nabatid din sa patuloy na beripikasyon na ang mga naarestong suspek ay sangkot sa sunod-sunod na kaso ng robbery hold-up at carnapping sa mga lugar ng Quezon City, Caloocan City, at mga karatig-lungsod sa loob ng Region 4-A (CALABARZON).
Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong Robbery at paglabag sa Republic Act No. 11325 o Motorcycle Crime Prevention Act sa Quezon City Prosecutor’s Office, habang nahaharap din sila sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Batas Pambansa Blg. 881 o Omnibus Election Code in relation to COMELEC Resolution No. 11067 sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
“Ang tagumpay ng operasyong ito ay bunga ng mabilis na koordinasyon at masusing imbestigasyon ng QCPD at Caloocan Police, alinsunod sa direktiba ni CPNP, PGEN NICOLAS TORRE III, na maghatid ng swift and responsive public service, ang unang Pillar ng kanyang pamumuno. Sa tulong ng ISAV System, agad nating natukoy na may mga dati nang kaso ang ilang suspek, na naging susi sa mabilis na aksyon. Patunay rin ito ng epektibong pagpapatupad ng modernization, na bahagi ng ikatlong Pillar, at ng Triple A Program ng RD, NCRPO, kung saan tayo ay Able sa operasyon, Active sa pagresponde, at Allied sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang yunit ng pulisya.
Kaya naman, patuloy tayong magsasagawa ng ganitong mga operasyon upang alisin sa lansangan ang mga kriminal at tiyaking ligtas ang ating mga komunidad,” pahayag ni PCOL SILVIO.###